darating ang panahong hindi ka na manghihinayang
at hindi na masasaktan kapag naiisip ang nakaraan.
darating ang panahong kahit biruin ka niya tungkol dito
ay wala ni isang bahid ng pait kang mararamdaman.
darating rin ang panahong hindi na kailangang
mag-isip ng kung anu-anong pampalubag-loob.
darating rin ang panahong iisipin mo na ang lahat
ay hindi puro kalungkutan ang nakasukob.
darating rin ang panahong maluwag sa loob mo
ang magsabing, “ganun nga kasi talaga siguro yun”,
dahil siguro sa panahong iyun, wala ng pagsisisi,
wala ng poot, wala na, wala na, malaya na.
ngunit hindi pa iyun ngayon, hindi pa,
ngayon puno ka pa ng mga alinlangan.
marahil nasa may kalayuan pa at mahirap tanawin,
at kung kailan ito dadating ay walang kasiguruhan.
pero huwag kang mag-alalala, huwag mainip,
matatapos din ang pag-iyak mo ng buong magdamag.
dahil dadating ang panahong lalaya ka rin,
halika, sasabayan kitang ito’y hintayin.