minsan akala mo maayos kang tao
hanggang maipaalala nila sa iyo
na dumaan ka rin sa pagiging gago.
minsan ang alam mo wala kang nasaktan
ngunit babalik-balikan ka ng nakaraan
na puno ng mga taong iyong napaglaruan.
minsan iniisip mo kung gumaganti
nga lang ba ang tadhanang nanggagalaiti,
bumabawi para sa kasalanan mo dati.
minsan inaamin mong oo nga mali ka
kulang na lang manliit ka na sa hiya
ngunit kahit anong gawin ay kulang pa.
minsan iniisip mong bumalik ng panahon
nang makawala ka sa imaheng sa yo’y kumakahon
at baguhin ang lahat na sa gusto mo umayon.
minsan akala mo mabuti kang tao
hanggang sumagi na lang bigla-bigla sa isip mo
na oo nga, dati-rati isa ka ring gago.
minsan, minsan, sana sumagi sa isipan mo
na wala nang magagawa ang pagmumukmok para dito,
dahil tapos na, napakatagal naman na nito.
minsan, minsan, ito na lamang ang isipin:
isa itong pagkakamaling hindi na dapat ulitin
dahil tapos na, wala nang dapat pang sabihin.
para sa lahat ng mga nasagasaan ko nung mga panahong hindi ko naiintindihan ang pinaggagawa ko, ako ay humihingi ng paumanhin. wala akong mabibigay na paliwanag kung bakit ko nagawa ang bagay na iyun at kung bakit ba ako ganito. marahil gasgas na ang litanyang “eh ganun kasi talaga eh” kaya hindi ko na ito gagamiting dahilan.