Dati-rati’y kayang-kaya kong paduguin
ang papel nang dahil at para sa Eo,
mga gunitang kasama ka’y lumutang-lutang
sa malapot na sabaw ng magulong utak ko.
Ngunit kaiba na rin ang ngayon siguro,
pati hangin ibang direksyon na kung umihip.
Ni katiting na kurot sa puso’y wala na,
bahagyang lumuwag itong isip kong masikip.
Wala na talaga akong maramdaman,
inspirasyon ay wala na ring mapaghugutan;
tengga, blanko, kasalukuyang nakahinto man,
masaya at malaya naman mula sa mga alinlangan.
Marahil kailangan ko na munang ipahinga
itong plumang matutuyot na rin ang tinta,
hanggang sa may ibang gumising ng aking diwa,
hanggang dumating ang inaabangang bagong musa.
[ 2008.03.18.16.27 ]
* shijin no kyuusoku Ea poet’s rest